JVP BATCH 32-Mindanao Or.Mindoro-Mangyan-NATO

JVP Batch 32-
Yr. 2011-Pumasok ako sa mundong ito ng walang kaalam- alam o ideya kung ano ba talaga ang JVP. Hindi ako isang Atenista kaya hindi ko rin alam kung sino si St. Ignatius ng Loyola at ang mga values nya. Nagmula ako sa institusyon ng mga Brothers of the Sacred Heart o Cor Jesu College ng Digos City.
Halo halong emosyon ang naramdaman at nakita ko noong una kong tapak sa JVP at ADMU. Nakakapanibago; bagong salita dahil isa akong Visayan, bagong kultura, bagong kapaligiran at bagong mga tao.
Marami sa mga kasamahan ko ang masaya at mukhang excited noong mga panahong yun samantalang ako naman ay hindi.
12 years old pa lang, isa na akong ganap na volunteer, ma programa man ng RVM o ng lokal na pamahalaan, sumasama na ako sa kanila kaya sa mga puntong yun ay nasa posisyon na ako ng pagtatanong. Pagtatanong kung tama pa ba ang mga ginagawa ko? At kung paano ba ako makikinabang na ako naman at hindi na ang iba? Sa madaling salita,nalilito, naging masarili at napagod na ako sa paglilingkod ng kusang loob.
Sa bawat ngiti at halakhak ng mga batchmates at formstaff ko noong ORSEM, ang nasa isip at alaala ko ay ang mga taong naiwan ko pansamantala sa Mindanao.
Naaalala ko yung matandang babae na nagbubungkal ng lupa para lamang may maibili siya ng pagkain para sa sarili, yung nadisgrasyang athlete na anak ng isang mahirap na pamilya na may balance na 40thousand sa ospital kahit pa na tinulungan na namin, yung mga bata na pumasok sa restaurant na habang humihingi ay patagong humihithit ng rugby.
Nasa isip ko rin noon ang mga illegal na gawain ng mga namumuno sa Provincial Jail na madalas naming bisitahin noon, ang mga kaibigan namin sa media na sangkot sa mga hindi magandang gawain at maging mga dating kaibigang politiko. May magagawa pa ba kaya ako upang maayos ito?
Mga iilang tanong lamang iyon sapagkat noong mga panahong iyon pakiramdam ko ay wala na akong maibigay dahil sa walang wala na rin ako.
Mangyan-
Isang malaking biyaya ang mapadpad sa mundong ito at makilala ang mga tao na bumubuo ng 10% sa populasyon ng Oriental Mindoro, ang mga katutubong Mangyan.
Mahiyain, mababait at mahuhusay, ganyan sila. Nakakamangha ang kulay ng kanilang mga kultura. At nakakamangha rin maging ang kanilang kapaligiran.
Sa pitong (7) tribo na namumuhay sa isla ng Or. Mindoro, lima (5) sa kanila ang napuntahan ko. Nakakamangha, ika nga!
Mula sa iba’t ibang salita, kultura at paniniwala. Nakakamangha rin maging ang mga tulay, mga bundok, mga ilog, mga waterfalls, atbp na matatagpuan mo habang lumalakbay ka sa mga iba’t ibang komunidad.
Maituturing ko na isang romantikong paglalakbay ang taong JVP, kasama ng mga Mangyan at JVP Batchmates and formstaff.
Isang romantikong karanasan na kung saan ay muli kong nakilala ang Diyos at sa isang nakakamangha pang paraan.
Mula sa mga bata ng Mt. Tabor, kasamahan sa MHC at Mangyan Mission, mga tao sa komunidad ng Mangyan, mga damuong ng Mindoro, mga nakilala sa Maynila at Tagaytay hanggang sa atensyon at pagmamahal na ibinigay ng mga taong bumubuo ng JVP Batch 32 (formstaff and batchmates).
JVPFI National Office-
Isang malaking biyaya ang maging kabilang sa taong ito ng NaTo.
Inaamin ko na sobrang nahirapan ako sa naging Reentry period ko. Limang (5) taon din ang hinintay ko upang maging maayos at maibalik lamang ang tiwala ko sa sarili at maging buo muli.
Palipat lipat ng trabaho, nabigo sa CPA board exam, tatlong lugar (Manila, Iloilo at Davao) ang sinubukang tirahan, at paulit ulit pinag isipan kung ano ba talaga ang gustong mangyari sa buhay. At ilang beses na counseling sa mga kaibigang counselors rin ang ginawa.
Salamat sa Diyos at hindi nya ako pinabayaan sa kabila ng mga naging pagkukulang ko sa kanya!!
Salamat sa mga kasamahan sa NaTo; sa saya, malasakit at pagmamahal. May iilan man na nagduda sa kapasidad ko na magampanan ang tungkulin ng Nato, naniwala pa rin kayo at hindi kayo nagpatinag sa mga sinabi nila. Ipinaglaban nyo ako sa mga nangahas na mapaalis ako sa serbisyo. Maraming maraming salamat, dahil ginawa nyo ulit akong buo. Salamat rin dahil nagpagamit kayo sa Diyos upang turuan akong magtiwala at muling magmahal.
Kay Fr. Bill, maraming maraming salamat po, mamimiss at mahal na mahal ko kayo.
Sa mga naging kaibigan sa Infirmary Wellness Center, Loyola House at Arrupe International, maraming salamat!
Inang Maria, nawa’y patuloy nyo akong gabayan sa mga susunod na yugto ng buhay. Nawa’y maging intrumento rin ako upang mapalaya ang iba tulad ng ginawa ninyo sa akin sa pamamagitan ng JVP. Utang na loob ko sa JVP kung ano man ang meron ako ngayon.
Maraming maraming salamat muli sa lahat!!!
-Julie Pearl “Jupi” Donaire
JVP Batch 32
Mangyan Heritage Center, Calapan City, Oriental Mindoro