by Shirley Habonete, B42

Kalahating araw na hinding-hindi ko makakalimutan sa loob ng misyon ko bilang JVP sa Saint Isidore High School.  Hindi lang dahil naka PINK ako kundi magkahalong saya at hindi maintindihang damdamin sa araw na ito dahil first time kong nakita ang mga bata sa Zamboanguita, Malaybalay Bukidnon. Napuno yung school campus ng SIHS!

Alam mo yung ang gaan ng feeling kahit may konting problema ka sa bahay? Talagang isasantabi mo ang konting problema para sa mga bata. Ganito po pala yung feeling na yon.  Sobrang thankful ako sa Diyos kasi bago matapos ang taon na ito at least nagkakilala at nagkita kami in person…

Biruin mo nasabi ko sa sarili ko na gusto ko pang isang taon para sa mga batang ito.Yung bigla na lang lumabas sa bibig ko nang hindi ko inaasahan, tapos sasabayan ko pa ng dasal. Lord, please tama na po, tulungan mo po kaming matigil na ang pandemic na ito, please Lord, kawawa ang mga bata. Marami ng kulang sa pagkabata nila.

Ang sarap pong pakinggan na sabay-sabay silang sumasagot sa mga tanong ko.  Kahit deep inside sa sarili ko, tinatanong ko, naiintindihan kaya nila ako?  Tumingin ako sa mata ng mga bata tapos parang nangungusap na may sasambitin na “Ma’am Shirley nabitin po ako, pwede pong magtanong?” Saya pag ganoon noh?

Minsan na akong nagturo sa private school bilang religion teacher at nanariwa lahat yong yayakapin ka na lang bigla ng bata dahil sa tuwa at paglalambing nila. Tatawagin ang pangalan ko na may tuwa sa mga labi dahil masaya sila sa Christian Living at recollections nila. Ang saya kaya noon di ba? Kaso pandemic eh kaya bawal pa. Malungkot lang kasi hindi ko makita nang malinaw ang mga mukha dahil sa facemask.  Pero sa ngayon, sapat na muna ang mag-uusap kami sa mata.

Tinapos namin ang araw sa isang Santa Misa at doon nasabi ko sa sarili ko. Lord, thank you sa regalo ng buhay sa mga bata kanina.  Napatunayan ko pong kailangan namin ang isa’t isa. At sana’y magtuloy-tuloy na. I love you Lord.

Thank you po dahil ipinakilala Mo ang JVP sa akin na siyang dahilan para makilala ko rin ang mga bata.